Christmas Village & Bazaar 2025, Opisyal nang Binuksan!
- SB San Rafael

- Nov 19, 2025
- 1 min read

Isang mahiwagang gabi ang bumalot sa Municipal Grounds ng San Rafael noong nakaraang Lunes, ika-17 ng Nobyembre, sa matagumpay na paglulunsad ng San Rafael Christmas Village & Bazaar 2025. Ang nasabing kaganapan ay naging hudyat ng pagsisimula ng masigla at makulay na pagdiriwang ng Kapaskuhan sa ating bayan.
Binigyang-buhay ang programa ng mga talentadong batang mananayaw mula sa Brgy. Sampaloc na naghandog ng isang masiglang dance performance. Hindi rin nagpahuli sa galing ang boses ni Bb. Reanna Jamila C. Acervo sa kanyang madamdaming pag-awit ng bagong Christmas ID ng San Rafael, na agad kinagiliwan ng mga dumalo.
Ang pinakatampok na bahagi ng gabi ay ang sabayang pagsisindi ng mga dekorasyon at pailaw na pinangunahan nina Punong Bayan Igg. Cipriano “Goto” D. Violago, Jr., Pangalawang Punong Bayan Igg. Edison M. Veneracion at kasama ang mga kagalang-galang na Miyembro ng Sangguniang Bayan.
Sa isang iglap, nagliwanag ang buong pasyalan na nagdala ng instant na sigla at kagalakan sa mga pamilyang San Rafaeleño na nagtipon-tipon sa paligid.
Lubos ang pasasalamat ng lokal na pamahalaan kay Bb. Uddie Bernardo na nagsilbing tagapagdaloy ng programa, sa lahat ng mga komiteng nag-organisa, at sa bawat mamamayan na nakiisa upang maging maayos at matagumpay ang opening night.





Comments