Ilegal na Subdivision sa Apat na Barangay, Sinaliksik ng Pamahalaang Bayan
- SB San Rafael

- Feb 18
- 1 min read

Upang maprotektahan ang kapakanan ng mga mamamayan at mapangalagaan ang ating mga lupang pang-agrikultura, muling nagsagawa ng inspeksyon ang mga pinuno at kawani ng Pamahalaang Bayan sa mga lugar na napaulat na ilegal na ginagawang subdivision.

Sa isinagawang monitoring, tinutukan ang mga operasyon sa Barangay Tukod, Sapang Pahalang, Pulo, at Maronquillo. Ayon sa ulat, ang mga lupang ito ay ibinebenta bilang residential units nang walang kaukulang pahintulot mula sa lokal na pamahalaan at sa mga ahensyang may kinalaman sa lupa.
Binigyang-diin nina Mayor Cipriano D. Violago, Jr. at Vice Mayor Edison M. Veneracion na ang ganitong mga aktibidad ay direktang paglabag sa Presidential Decree No. 957 o ang Subdivision and Condominium Buyers’ Protective Decree. Layunin ng batas na ito na tiyaking ang bawat lupang ibinebenta ay rehistrado, ligtas, at may sapat na pasilidad para sa mga mamimili.
Mahigpit ang paalala ng lokal na pamahalaan sa mga San Rafaeleño at sa publiko: Huwag magpaloko. Bago maglabas ng pera o pumirma ng kontrata, siguraduhing beripikado ang License to Sell at iba pang legal na permit ng developer upang maiwasan ang pagkawala ng pinaghirapang ipon at mga suliraning legal sa hinaharap.





Comments