Top 10 sa Board Exam, Pinarangalan sa San Rafael
- SB San Rafael

- Jan 12
- 1 min read

Isang mapagmalaking Lunes ang sumalubong sa mga kawani ng Pamahalaang Bayan ng San Rafael matapos pormal na kilalanin ang pambihirang tagumpay ng isa nating kababayan sa larangan ng akademya.
Sa gitna ng lingguhang Pagtataas ng Watawat ng Pilipinas, binigyang-pugay si Engr. Jose Rafael N. Villavicencio dahil sa kanyang pagkamit ng Ika-10 Puwesto (Top 10) sa nakaraang Electronics Engineering Licensure Examination.
Ang paggawad ng Plake ng Pagkilala ay pinangasiwaan ng Sangguniang Bayan, sa pangunguna ni Pangalawang Punong Bayan Igg. Edison M. Veneracion. Ang naturang award ay simbolo ng pasasalamat ng bayan sa karangalang iniuwi ni Engr. Villavicencio, na nagsisilbing inspirasyon sa mga kabataang nagnanais ding magtagumpay sa kanilang piniling propesyon.
Ayon sa pamunuan ng Sangguniang Bayan, ang pagkakaroon ng isang "Topnotcher" ay patunay na ang San Rafael ay tahanan ng mga matatalino at dedikadong indibidwal na kayang makipagsabayan sa buong bansa.
Bago ang parangal, taimtim na isinagawa ang pag-awit ng Lupang Hinirang bilang pagpapakita ng nasyonalismo at pagmamahal sa bayan. Ang seremonya ay dinaluhan ng mga opisyal at kawani ng munisipyo na handa na para sa panibagong linggo ng serbisyo-publiko.





Comments